Sunday, October 5, 2014

Ang Alagad ng Konsumerismo






Ang Alagad ng Konsumerismo



Kinuha ang imaheng ito sa Apple.com


        Sa mga panahon ngayon, bahagi na ng ating buhay ang konsumerismo. Tuwing linggo lumalabas tayo para bumili ng mga kagamitan sa mga mall. Bawat taon bagong mayroong mga bagong edisyon ng mga "electronics" na lumalabas. Nag - aabang tayong lahat para sa mga ito mga bagong damit, kotse at iba pang kagamitan na hindi naman talaga natin kinakailangan. 


         Ang iPhone, ang isang patunay ng konsumerismo ngayon. Hinihintay ng mga tao ang mga produktong ito ng Apple. Sa katunayan, libo ang pumipila sa mga tindahan ng Apple para lamang makabili nito. Nakakamangha na ang isang bagay tulad nito ang palaging pinakakaguluhan ng mga tao. Katulad ito ng kwentong Tungkol sa Pagtatanggal ng Amoy ng Tae ng Aso kung saan ang mga tao ang nagiging alipin ng aso at hindi ang kabaligtaran. Nagiging alipin na tayo ng mga kagamitang ito. Napupunta sa iPhone ang mga perang iniipon natin at ng ating mga magulang. Bukod pa rito, parang natratrabaho tayo para lang dito at ang iPhone ang nagiging boss natin kahit na hindi naman natin ito kailangan.Tila naiimpluwensiyahan na ang ating pag-iisip ng mga patalastas na inilalabas ng mga kumpanyang ito para mabili ang kanilang mga produkto. Niloloko lamang tayo ng mga ito para sa kanilang benepisyo.  Nakalungkot man isipin, ganito na talaga ang realidad ng buhay. Ang buhay kung saan hindi ka "cool" kung wala ka ng mga pinakabagong kagamitan. Ganitong pag-iisip ang dapat nating palitan at baguhin. 

              Sa pagbubuod, kailangan na natin magdalawang isip kung ano ang mga bagay na tunay nating kailangan. Dapat hindi na tayo maging alipin sa mga kagamitang ito. Isipin natin kung ano nga ba ang rason kung bakit tayo nagtratrabaho at huwag magpaalipin sa mga bahay na ito. Hindi naman natin kailangan ng bagong kagamitan bawat taon para lamang makasabay sa panahon; sayang ang pinaghirapan ng ating mga magulang para lamang sa bagay na mayroon ka na.



          
         









Saturday, October 4, 2014

Ang Tunay na Kagandahan



Ang Tunay na Kagandahan







      Palaging inaasahan ang mga kababaihan sa panahong ito na maganda at maayos ang kasuotan at hitsura. Marahil dahil ito sa mga palabas na ating napapanood kung saan palaging nakaayos at nagkasuot ng pamgpaganda ang mukha ng mga artista. Maari rin naman na mas nagkakaroon tayo ng pagtitiwala sa sarili tuwing nakasuot tayo ng mga ito dahil parang napakaganda natin tignan. Nakalulungkot man isipin bahagi na ito ng ating buhay. Gayon pa man, kabaligtaran ang mensahe ng kantang ito ni Colbie Caillat.
              

        Ang pamagat ng kantang ito ay Try. Sinasabi ni Colbie rito na hindi mo kailangan magsuot ng pampaganda para lamang magustuhan ka ng mga tao. Gusto niyang ipakita na sapat na ang natural nating kagandahan dahil ipinapakita nito ang tunay nating anyo bilang mga babae. Nais din niyang magpakatotoo tayo sa ating sarili. Hindi na natin kailangan magtago sa mga produktong ito dahil maganda naman tayo sa mata ng Diyos. Ang ugali ng isang tao ang tunay na batayan ng totoong kagandahan. Taliwas ito sa nangyari sa bida sa kwentong Ang Bagong Takigrapa; sa halip na maging totoo siyang sa kanyang sarili, ginaya na lamang niya ang hitsura ng kanyang mga katrabaho dahil ayaw niyang mapagtawanan. Sa aking palagay mas maganda ang mensaheng ihinahatid ng kantang ito kaysa sa kwentong Ang Bagong Takigrapa sapagkat ipinapahiyag ng kanta na dapat ipagmalaki natin ang natural nating hitsura dahil biyaya ito ng Diyos. Minsan mas maganda pa nga ang ating mga itsura kung walang napakakapal na "make up" kung saan talagang naiiba ng ang ating pagmumukha. 


          Sa pagtatapos, hindi nating mga kababaihan magsuot ng pampaganda sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ipagmalaki natin ang itsura nating lahat at magpakatotoo sa sarili. Hindi dapat tayo magsuot ng mga pampaganda para lang magustuhan ng mga tao at magkaroon ng mga kaibigan. Sa katunayan, ang mga taong tinatanggap ka para sa iyong sarili at natural na hitsura ang tunay na mga kaibigan at hindi ang mga taong nagpapanggap lang. Ang kabutihan ng loob ang totoong kagandahan at hindi kung ano ang nakikita ng mga tao sa panlabas. Panahon ng upang tanggalin natin ang kawalan natin ng pagtitiwala sa sarili sapagkat maganda tayong lahat ng mukha ng Diyos.









Friday, September 26, 2014

Salamat


Salamat





       Sa patalastas na ito ng Coca Cola, ipinapakita kung paano nakadipende ang ating buhay sa mga manggawa tulad ng sa tulang Matandang Sapatero. Madalas na hindi natin napapansin ang mga manggawang nagpapadali sa ating mga buhay. Ang mga taong, araw-araw pumapasok sa trabaho upang magbigay serbisyo kahit na hindi naman nila tayo kilala. Kung tutuusin, malaki ang ating utang na loob sa kanila sapagkat sila ang dahilan kung bakit napakaganda ng ating buhay. Katulad ng mga guwardiya na nagsisiguradong ligtas sayo sa mga panganib, mga janitor o tagalinis na nagpapaaliwalas na ating mga kapaligiran  at mga kasambahay na nag-aalaga sa atin.


       Nakikita sa patalastas na ito kung papaano natin nakakalimutan ang mga manggawa na ating nakakasalimuha bawat araw. Hindi man lang natin napapansin na hindi natin alam ang kanilang mga pangalan kahit na palagi natin silang nakikita. Nakakalungkot man isipin, tunay na madalas nga itong mangyari dahil palagi tayong nagmamadali at hindi na natin napapansin o napapasalamatan man lang ang mga taong nagpapadali sa ating mga buhay.  Bukod pa rito, nakikita natin ang lubos na kasiyahan ng mga manggawang ito ng pasalamatan sila ng mga taong kanilang pinaglilingkuran. Sa katunayan, napakaliit lang nang pahayag na ito ngunit lubos na nila itong ikinatuwa. Halimbawa rito ang reaksyon ni Kuya Artemio, napaluha siya at nakikita talaga ang kanyang kasiyahan dahil natandaan ng isang tao ang kanyang pangalan at binigyan siya nito ng regalo. Kung iisipin, napakabilis lang magpasalamat sa mga taong tulad nila ngunit hindi natin ito magawa. Isang sigundo lamang ang kailangan upang bumati rin tayo o kaya naman magpasalamat sa kanila pero nakakalimutan natin itong gawin.


         Sa wakas, panahon na upang magbago ang ating pag-uugali at pakikitungo sa mga manggawa. Dapat nating simulan na magpasalamat ang mga taong nagpapaganda sa ating buhay. Ito na ang panahon para tayo naman ang magpasaya sa kanila kahit sa maikling panahon lamang. Pagkakataon na natin isauli ang kanilang dedikasyon at kasiyahan sa paglilingkod sa atin, sa pamamagitan ng isang salitang gusto nilang marinig sa atin at ito ay "Salamat". 









Thursday, August 7, 2014

Tala ng Ating Buhay


TALA ng Ating Buhay


   1 Ginawa ko ang larawang ito gamit ang pagemodo.com
2 Ang 4 na maliliit na litrato ay galling sa google.com



         Sa pagbabasa ng Si Janus Silang at Ang Tiyanak ng Tábon, napagtanto ko na katulad ng buhay natin ang larong TALA. Mayroong iba't ibang yugto ang ating buhay, nariyan ang pagiging sanggol, pagkabata, pagdadalaga at pagkatanda. Ang mga yugtong ito ay pwede natin tratuhin na parang mga "level" sa larong TALA, habang tumatagal pahirap ng pahirap ito sapagkat dumarami ang ating mga responsibilidad at temptasyon sa buhay. Noong sanggol lamang tayo, wala tayong responsibilidad dahil ang mga magulang natin ang nag-aalaga sa atin kaya maituturing itong level 1 sa TALA sapagkat madali lamang ang buhay natin noon; sa ating pagkabata maliit lamang ang ating mga responsibilidad tulad ng pagpasok sa paaralan at paggawa ng mga takdang aralin kaya ito ang level 2 hanggang 3. Level 4 hanggang 6 naman ang buhay natin ng tayo ay maging dalaga at binatilyo sapagkat marami ng inaasahan sa atin. Hindi na pwedeng lagi tayong nakaasa sa ating mga magulang, binibilinan na din tayo nula dahil alam nilang kaya na natin ito gawin. Nakakaranasan na din tayo ng mga hamon at balakid sa yugtong ito. Dito lumalabas ang mga temptasyon sa buhay tulad ng pagkakaroon ng bisyo, pangongopya sa mga pagsusuri at iba pa, tayo ang magdedesisyon kung anong klaseng tao gusto natin maging. Sa aking palagay, pwede din natin makumpara ang ating konsensya bilang anito, dahil ito ang gumagabay sa atin kahit hindi man natin ito nakikita. Ang ating pagkatanda o ang level 7 hanggang 8 ang pinakamahirap na level sa ating buhay. Ito ang pinakamahirap dahil dapat kailangan na tayong magtaguyod sa sarili, maghanap ng trabaho at iba pa. Wala na tayong maasahan na ibang tao sapagkat ito na ang panahon upang tayo ay magsarili.  Pagkalipas ng panahon kailangan na natin magtaguyod ng sariling pamilya at magpalaki sa ating mga anak. Habang pataas ng pataas ang mga level lumawalawak ang kaalaman ng anito at bayani; tulad nila parami ng parami ang ating kaalaman habang tumatanda tayo. Katulad ng TALA sa ating pagkamatay, hindi na tayo mabubuhay pa muli. Walang ibang tao sa mundo na kapareho natin tulad sa laro mayroong pagkakaiba sa lahat ng BAT (Bayani - Anito Tandem) kaya hindi pwede magaya ng esakto ang dating BAT ng manlalaro.  Sino ang mag-aakalang maihahambing natin ang buhay sa larong TALA.